Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na walang magiging dagdag pasahe sa mga pampublikong sasakyan tulad ng jeepney at taxi.
Ito’y sa harap na ng hirit ng grupong Pasang Masda at ng Philippine National Taxi Operators Association na umento sa pamasahe bunsod ng pag – iral ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sinabi ni LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada, hindi uubra ang dagdag pasahe hangga’t hindi ito natatalakay ng lahat ng stakeholders upang mabigyang katuwiran ang nasabing hakbang.
Lubhang kritikal aniya ang dagdag ng singil sa pasahe lalo’t mahigit tatlong milyong pasahero ang sigurado aniyang tatamaan nito.
Tulad na lamang aniya sa taxi na pinayagan nilang ipako sa kuwarenta pesos (P40.00) ang flagdown rate gayundin ng per kilometer rate at waiting time noong isang taon.
Subalit ayon kay Pasang Masda President Ka Obet Martin, sakaling payagan silang magtaas ng pasahe, nakapako na aniya ito kahit na tumaas o bumaba man ang presyo ng langis dulot ng TRAIN at ng malikot nitong presyuhan sa world market.