Itinanggi ni Efren de Luna, Pangulo ng Alliance of Concerned Transport Operators o ACTO na nais nilang doblehin ang otso pesos na minimum na pasahe sa jeepney.
Ayon kay De Luna, tinitimbang rin naman nila ang pahirap na maaaring idulot ng mas mataas na pasahe sa mga mananakay.
Sinabi ni De Luna na nananatili sa sampung piso ang petisyon nilang minimum na pasahe.
“Tinitingnan din naman natin ang kalagayan ng ating mga commuter, doon pa lang sa P8 ay hirap na hirap na sila, karamihan diyan ay hindi nakaka-supply sa tamang pasahe dahil sa kakulangan ng budget, hindi naman kailangan na itaas agad yan nang ganun kataas, ang amin lang naman is kahit hindi kami kumita kundi yun lamang kinuha ng oil companies ang kinukuha namin diyan.” Ani De Luna
Samantala, sinabi ni De Luna na handa ang transport groups na dumalo sa planong One Stop Shop Forum na ikinakasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Ang pakiusap lamang aniya nila sa LTFRB ay pakinggan rin ang panig ng transport groups at huwag silang gipitin na sumunod na lamang sa kung anuman ang mga panuntunang ilalatag ng ahensya.
“Dapat ang LTFRB sa pangunguna ni Chairman Delgra ay walang pikunan kaya nga nagkakaroon ng consultation at public hearing para magkaunawaan at yung kanya-kanyang prinsipyo ay dapat pag-aralan kung anong tama at mali, hindi kailangan na kung anong sinusubo nila ay doon tayo naka-concentrate at parang sinesentro na lang ang guidelines na gusto nila.” Pahayag ni De Luna
‘LTFRB’
Tiniyak naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na dadaan sa masusing pag-aaral at konsultasyon ang mga petisyon para sa pagtaas ng pasahe.
Ayon kay Atty. Aileen Lizada, Board Member at Spokesperson ng LTFRB, halos tatlo at kalahating milyong mananakay ang kailangan ding isaalang-alang sa isyung ito at hindi lamang ang panig ng mga operator at driver ng pampasaherong sasakyan.
Ipinahiwatig ni Lizada na tila mataas ang dalawang pisong (P2) dagdag sa minimum na pasahe sa jeepney dahil noong 2012 aniya ay umabot na sa 47 pesos ang presyo ng isang litro ng diesel samantalang nasa 8.50 lamang ang minimum na pasahe.
Maliban dito, nais rin aniya nilang matiyak na kung tataas man ang singil sa pasahe, kailangang may katapat rin itong pagganda sa serbisyo ng mga pampasaherong sasakyan.
“We have not received any amendment sa kanilang petition if ever they will amend, papakinggan namin ang commuters group, if sasabihin nila they oppose, on what grounds do they oppose? and after ng lahat lahat na yan we will sit down with NEDA to guide us technically para yung social impact assessment makikita natin, at makapaglalabas tayo ng desisyon na kaya nating depensahan, which is sound, balance and fair to everyone.
(Ratsada Balita Interview)