Sinopla ng Department of Budget and Management o DBM ang hirit ng ilang grupo ng mga guro na dapat doblehin rin ang kanilang sahod tulad ng ginawa sa mga pulis at sundalo.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang tanging naging direktiba sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte ay hanapan ng paraan kung paano maitataas pa ang suweldo ng mga guro.
Hindi aniya simple ang pagbibigay ng umento sa suweldo ng guro dahil umaabot sa 800,000 ang bilang ng mga ito sa buong bansa at mahigit sa 330 bilyong piso ang kailangang hanapin ng gobyerno para dito.
Maliban dito, sinabi ni Diokno na sa ngayon ay hindi na maituturing na mababa ang suweldo ng mga guro dahil ipinatutupad pa sa ngayon ang ikatlong bahagi ng Salary Standardization Law at masusundan pa ito sa susunod na taon.
“Mataas talaga ang suweldo, in fact merong pag-aaral diyan noong 2015-2016 na ang suweldo ng teacher natin sa public school ay twice the salary of the salary in private schools, third party study ito, so in fact ang trend ngayon naglilipatan ang mga teacher from the private school.” Ani Diokno
Una rito, sinabi ni Alliance of Concerned Teachers o ACT Party-list Representative Antonio Tinio na dapat lamang maging benchmark ang dobleng pasahod na ibinigay ng pamahalaan sa mga sundalo at pulis na epektibo na ngayong Enero.
Ayon kay Tinio, bagamat ikinalulugod nila ang pahayag ng Malacañang na itataas din ang suweldo ng mga guro, hindi naman aniya ito dapat itali sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN package 2 na isinusulong ng gobyerno sa Kongreso.
“Wine-welcome natin yung pronouncement sa pagtaas sa suweldo ng mga teacher, yung suweldo ng pulis at militar ay ipinatutupad na ngayon ang pag-doble, as far as we’re concerned dapat yan na yung benchmark, dapat ganun din ang ibigay sa teachers, hindi lang dapat teachers, dapat lahat ng government employees ay bigyan ng substantial na increase, ang ayaw natin parang ginagamit na pang-justify sa bagong tax reform package.” Pahayag ni Tinio
(Ratsada Balita Interview)