Malinaw na paghahamon at mapangahas na pakikialam sa soberanya ng Pilipinas ang nais ng ilang human rights experts na imbestigahan ng United Nations ang mga walang habas na pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyon sa nakalipas na tatlong taon.
Iyan ang reaksyon ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo sabay babala sa mga kalaban ng pamahalaan at kanilang mga taga-suporta sa ibang bansa na hindi pinaniniwalaan ng mga Pilipino ang isang kasinungalingan na aniya’y idinadaan lamang sa batikos.
Magugunitang ipinangako ni Pangulong Duterte nang siya’y maupo sa puwesto na tatapusin ang problema ng bansa sa iligal na droga gayundin sa krimen at lalo pa nitong paiigtingin ngayong taon.
Gayunman, inakusahan ng 11 U.N human rights experts ang pangulo na lantarang tinatakot ang mga bumabatikos sa kaniyang war on drugs kaya’t nararapat lamang anila iyong imbestigahan.
Pero nanindigan ang palasyo na batay sa mali at mga pinekeng impormasyon ang ilalatag na alegasyon ng U.N experts kaya’t kumpiyansa silang mauuwi lamang ang argumento sa basurahan.