Bukas na umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa hirit na ipatigil na ang operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Senador Imee Marcos makaraang makausap niya ang kapatid nang magtungo sa pagdiriwang ng kaarawan nito sa Palasyo noong Martes.
Aminado ang senador na isa sa kanilang mainit na napag-usapan ang POGO.
Kanya umanong binanggit sa Pangulo na kung hindi kayang ipatupad ang task force na tututok sa mga ilegal na aktibidad ng POGO, dapat na lamang itigil ang operasyon nito.
Naniniwala ang mambabatas na mas malaki ang kita ng “under the table” kaysa sa ibinabayad na buwis ng POGO sa pamahalaan.
Gayunman, wala pa anyang pinal na desisyon si Pangulong Marcos kung dapat nang buwagin ang POGO at kahit ipasara ay hindi ito maka-aapekto sa relasyon ng Pilipinas at Tsina.