Sang-ayon si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa hirit ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na itrato nang propesyunal ang mga illegal Chinese worker sa mga online gaming operation sa bansa sa ilulunsad na crackdown sa mga nasabing manggagawa.
Ayon kay Drilon, ikinalulugod nila ang pagtitiyak ng embahador na susunod sila sa umiiral na batas sa bansa.
Sinuman anyang dayuhan na nagtatrabaho sa Pilipinas ay dapat sumunod sa mga batas at patakarang ipinatutupad ng gobyerno gaya ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) na sumusunod sa mga batas ng mga bansang kanilang pinag-ta-trabahuhan.
Samantala, suportado ni Drilon ang plano ni Finance Secretary Carlos Dominguez na magtatag ng isang inter-agency body upang mabatid ang bilang ng mga dayuhang manggagawa partikular ang mga nasa online gaming operation.
Ito’y upang matiyak na mayroon silang balidong alien working permit at nagbabayad ng tamang buwis.
(with report from Cely Ortega- Bueno)