Ibinasura ni Senator Grace Poe ang planong ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling buksan ang imbestigasyon na Mamasapano incident kung saan nasawi ang may 44 na Philippine National Police -Special Action Force (PNP-SAF) troopers.
Ayon kay Poe, kailangan munang maging malinaw ang intensyon ng gobyerno sa muling pagbubukas ng imbestigasyon upang hindi magpaulit-ulit ang mga dati nang tinalakay.
Kayang-kaya umano ng Pangulo na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang alamin kung kanino napunta ang reward money.
Aniya, maaari namang tanungin ng Pangulo sina PNP Deputy Chief for Operations Director Benjamin Magalong na siyang nanguna sa PNP Board of Inquiry gayundin si PNP Chief Director General Ronald dela Rosa na naging miyembro ng operational audit team.
Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na plano niyang muling pabuksan ang imbestigasyon sa Mamasapano incident upang alamin kung sino ang nakinabang sa 5 milyong dolyar na reward money na inilaan ng Amerika para sa makapagtuturo sa international terrorist na si Marwan.
By Rianne Briones