Suportado ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ang hirit ng Office of the Solicitor General o OSG sa Korte Suprema na sampahan ng mas mabigat na kaso ang dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang sangkot sa pagkamatay ng SAF 44 sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Sinabi sa DWIZ ni VACC Founding Chairman Dante Jimenez na noon pa nila ipino-protesta ang aniya’y mababaw na kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa dating Pangulo na siya aniyang may pinakamabigat na responsibilidad sa nasabing masaker.
Dahil sa hakbang ng OSG, inihayag ni Jimenez na nabigyan ng pag-asa ang pamilya ng SAF 44 na makakamit na ang hustisya at mapapanagot ang tunay na may sala sa ikinasang Oplan Exodus.
“Doon po sa finile namin na petition for certiorari noong November 2, 2017 tungkol dito sa pag-downgrade ni Ombudsman Morales ng kasong isinmapa namin together with the victims’ families na reckless imprudence resulting to multiple homicide, 44 counts yan dahil 44 na patay na mga pulis yan, tapos ang i-finile lang ni Morales na ipinapanawagan namin sa House of Representatives na i-impeach eh usurpation of authority kay Aquino.” Pahayag ni Jimenez
Kahapon, Enero 25 ay ginunita ang ikatlong taong anibersaryo ng pagkamatay ng SAF 44 sa madugong Mamasapano encounter at hustisya pa rin ang sigaw ng ilan sa mga pamilya ng mga nasawing pulis.
(Balitang Todong Lakas Interview)