Pinag-aaralan na ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga pangunahing petisyon ng transport groups na itaas pa ang minimum na pasahe sa jeep.
Kabilang sa tinukoy ng LTFRB ang mga petisyon ng 1-Utak, Pasang Masda, Altodap at Acto na itaas hanggang 14 pesos at LTOP na itaas naman sa 15 pesos ang pasahe.
Ayon kay LTFRB Executive director Tina Cassion, magkakaroon ng huling pagdinig ang ahensya sa nasabing mga petisyon sa Hunyo 28.
Bukod anya sa pagtaas ng minimum na pasahe sa jeep, ang mga grupo ay naghahangad ding itaas ang pasahe sa bawat susunod na kilometro sa P2.50.
Samantala, inihayag ni Cassion na nagsasagawa na ng pinal na pagdinig para naman sa petisyon ng transport network vehicle services na dagdagan ang kanilang flagdown rate at pamasahe kada kilometro at minuto.
Nilalaman ng petisyon ang hirit na dagdag 40 hanggang 55 pesos flagdown rate sa Sedan; 50 hanggang 70 pesos sa AUV at SUV habang 30 hanggang 40 pesos sa hatchback.