Iginiit ngayon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi malaking kawalan para sa mga employers kung mapagbibigyan ang hirit nilang maitaas sa P750 ang minimum wage sa buong bansa.
Ayon kay KMU Chairman Elmer Labog, maliit na porsyento lamang ng malaking kita ng mga kumpanya ang mababawas kung mabibigyan ng umento sa sahod ang manggagawa.
Taliwas aniya ito sa laging ikinakatwiran ng mga employer na maaaring magsara ang kanilang mga kumpanya kung ipipilit ang taas-sahod.
Ang aming pagtataya sa P11-T na kita ng mga kumpanya na ang kanyang manggagawa ay bumibilang ng 20 pataas, meron silang P11-T na kita nitong nagdaang taon at ang aming kwentada kahit na ibigay ‘yung P750 ay P1-B lamang ang mababawas diyan. Napakalaki pa ring halaga ang maiiwanan sa mga kita ng mga malalaking capital.” giit ni Labog.
Ayon kay Labog, sa kabila ng malaking ambag ng mga manggagawa sa ating ekonomiya ay naisasantabi pa rin ang kanilang mga karapatan at pangangailangan.
’Yun nga ang nakakagalit na sa kabila ng malaki ang kontribusyon sa ekonomiya, pinagkakaitan naman siya ng sahod at benepisyo at nananatiling kontraktuwal ang kanyang moda sa paggawa kung kaya’t walang sapat na sahod, walang sapat na benepisyo at hindi tiyak ang kanyang kalagayan sa paggawa at anumang oras ay pwedeng matanggal siya at malagay sa kapariwaraan hindi lamang ang mismong manggagawa kun’ di ang epekto nito sa kanyang buong pamilya.” paliwanag pa ni Labog.
Sang-ayon naman dito si Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa kung saan sinabi nito na dapat maramdaman ng mga manggagawa ang ipinagmamalaki ng pamahalaan na paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagtataas sa minimum wage ng mga obrero.
Sinusuportahan namin yung mga panawagan ng mga manggagawa na ‘yung P750 na minimum wage at tingin namin, bagaman hindi pa ‘yan ‘yung kinakailangan na P1000, mas mataas siya, may pag-improve sa kahilingan ng mga pamilya, sa akin ang pinakamahalagang tanong diyan… kaya ba o hindi ng mga negosyante, kaya nila. Sa aming pagtatantya, hindi pa aabot ng 10% ng bawas sa tubo ng mga negosyo ‘yung pagbibigay ng P750 na minimum wage ditto sa Metro Manila. So parang ganoon kasimple lang, sabihin ng pamahalaan, nakita namin ‘yung paglago ng ekonomiya.” ani Africa.
Ratsada Balita Interview