Ibinasura ng korte suprema ang petisyon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) laban sa kautusan ng Commission on Audit na pumipigil sa pagpapalabas ng P83-M budget para sa kanilang mga opisyal at tauhan noong 2014.
Sa 21 pahinang desisyon ng supreme court (SC) na inilabas ngayong Disyembre, pinagtibay nito ang desisyon ng COA na pagkaitan ang mga PhilHealth official at personnel ng nasabing halaga na para sana sa birthday gifts at education allowance.
Ito’y dahil hindi aprubado ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang naturang pondo.
Ayon sa SC, nilabag ng PhilHealth ang mga konsepto ng “fiscal autonomy at institutional authority” para sa pagsasaayos ng kompensasyon ng mga tauhan “in good faith”.
Ibinalik naman umano ito sa ayos sa ibinabang desisyon ng komisyon.
Batay sa isang desisyon noong 2016, napatunayan na walang diskresyon ang PhilHealth sa pagdetermina ng kompensasyon ng kanilang mga opisyal.
Nabigo rin umano ang PhilHealth na tukuyin ang mga partikular na “Acts of grave abuse” na sinasabi nilang nagawa ng COA.