Suportado ng grupo ng mga manggagawa na Federation of Free Workers (FFW) ang mga panukala ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa bagong administrasyon at kongreso na ayusin ang sistema ng PhilHealth at mga programa nito.
Ilan sa mga programa ng PhilHealth na tinututulan ni Salceda, Chairman ng House Ways and Means Committee, ang sapilitan nitong pagtatalaga ng napakataas na kontribusyon sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Umaabot ito sa 38,400 pesos kada taon pero hindi naman pakikinabangan ng mga OFW habang nasa ibang bansa.
Ayon kay Salceda, muli niyang ihahain sa Kamara ang House Bill 7570 o PhilHealth Reform Act, na naglalayong rebisahin ang mga programa at sistema ng PhilHealth.
Kabilang na rito ang hindi sapilitang pagsali ng mga OFW at hanggang 100 pesos lamang ang babayaran sa PhilHealth ng mga mabababa ang sahod.
Nakikiisa naman ang FFW sa mga panukala ng kongresista na repormahin ang health program ng gobyerno at gawing ‘voluntary’ lamang ang pagsapi ng mga OFW sa PhilHealth.