Hindi rin pabor ang commuter group na Passenger Forum sa panawagan ng Land Transportation Office (LTO) sa mga local government unit na suspendihin ang No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay Passenger Forum Convenor Primo Morillo, malaki ang naitulong ng NCAP halimbawa sa Quezon City kung saan nabawasan ng 30% ang traffic violations habang 80% sa Bataan.
Hindi anya napapanahon kung sususpendihin ang NCAP lalo’t malapit na ang pagbabalik-eskwela ng milyun-milyong estudyante.
Ipinunto ni Morillo na dahil sa NCAP ay matitiyak kahit paano ang kaligtasan ng mga pasahero, partikular ang mga bata sa kalsada.
Una nang inihayag ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na umaaray na ang mga public utility vehicle operator sa pagbabayad ng multa para sa traffic violations ng kanilang drivers dahil sa NCAP.