Sinimulan na ang public consultation para sa hirit na dagdag-singil ng Maynilad at manila water makaraang ipako nang tatlong taon ang water rate sa mga sineserbisyuhan nilang lugar.
Unang nagsagawa ng konsultasyon at rate rebasing process ang Maynilad noong Miyerkules na susundan ng Manila Water.
Hindi binanggit ng Metropolitan Manila Water Sewerage System Regulatory Office MWSS-RO kung magkano ang magiging dagdag-singil pero aabot umano sa P80-billion ang ginastos ng Maynilad na kailangang bawiin sa mga customer.
Nasa P20-billion naman ang gastos ng Manila Water sa kanilang mga proyekto na gustong ipasa sa kanilang mga customer.
Gayunman, nilinaw ni MWSS-RO Chief Regulator Atty. Patrick Ty na kailangan pa nilang himayin at pag-aralan ang hirit ng dalawang water concessionaire.
Tiniyak naman ni TY na hindi bibiglain ang mga consumer sa naka-umang na panibagong water rate adjustment.