Pinalagan ng grupong Bayan ang hirit na taas-singil ng Manila Water sa kanilang mga consumer.
Kasunod ito ng hiling ng water concessionaire na gawing P8 ang singil sa kada cubic meter ng tubig simula January 2023.
Ayon sa grupo, kung madadag-dagan ang singil sa tubig, hindi na kakayanin pa ng mga pilipino ang kanilang gastusin sa kada-araw lalo pa’t mataas ang singil sa pamasahe at mga pangunahing bilihin sa palengke.
Bukod pa dito, mataas din ang singil sa produktong petrolyo, serbisyo at kuryente pero hindi umano tumataas ang sweldo ng mga manggagawa.
Sinabi pa ng grupo na dapat maipakita ng manila water ang kanilang basehan sa taas-singil dahil hindi pa epektibo ang revised concession agreement ng mga water concessionaire.
Samantala, iginiit naman ng Manila Water na tatlong taon na silang hindi nagtataas ng singil sa tubig at dumarami narin ang kanilang consumers sa metro manila at karatig lalawigan kaya importante ang mga proyekto ng kanilang ahensya na siyang magdadagdag ng suplay sa tubig.
Sinabi pa ng Manila Water na kailangang mapalitan ang mga lumang tubong dinadaluyan ng tubig upang masigurong tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo sa publiko.