Ikinokonsidera na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang petisyong taas-singil sa kuryente na inihain ng Meralco at mga units ng SMC Global Power Holdings Corporation (SMCGP).
Desisyon ito ng ERC matapos ang naging pagdinig nitong linggo kung saan sinuri ang hindi makatwirang-taas singil sa kuryente sa bansa.
Ayon kay ERC chairperson at chief executive officer Monalisa Dimalanta, nasa deliberasyon na ng commissioners ng ERC ang petisyon kung aaprubahan ito.
Inatasan na rin nila ang Meralco, South Premiere Power Corporation at San Miguel Energy Corporation na magpasa ng pormal na petisyon sa hinaing.
May hanggang 10 araw ang mga ito mula ngayong Miyerkules upang maipasa ang dokumento.
Sakaling maaprubahan ang petisyon, maglalaro sa 0.28 hanggang 0.29 centavos per kilowatt hour ang ipapataw na taas-singil sa kuryente.