Suportado ng transport group na Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang hirit na tapyas pasahe sa jeep sa harap ng patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay FEJODAP President Zenaida Maranan, payag silang ibaba hanggang sa P7.00 ang minimum fare sa jeepney.
“Kailangan naman talagang tulungan natin ang ating mga mananakay pagkat ang 80 porsyento na sumasakay din naman sa mga jeep na ito ay mga pamilya din po ng mga tsuper na kung baga sa ano pare-parehong makikinabang lalo na itong mga anak nila pagkat yung pamasahe malaking bagay po talaga yan.” Ani Maranan.
Umaasa naman si Maranan na kasabay ng rollback sa pasahe ay ang pagbaba din ng presyo ng mga pangunahing bilihin upang maramdaman aniyang talaga ng publiko ang epekto ng pagmura ng krudo.
“Bilang isang mamamayan at yun din naman ang hiling ng ating mga tsuper, sana nga po ay babaan din ang presyo ng ating mga paninda ng pamilihang bayan dahil puwede rin sila, kung kami ay puwedeng magbaba mas higit sila.” Pahayag ni Maranan.
By Ralph Obina | Ralph Obina