Pagpapasiyahan na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang hirit na mabigyan ng diskuwento sa toll fee ang mga motoristang dumaraan sa North boundlane ng South Luzon Expressway (SLEX) sa susunod na buwan.
Ayon kay TRB Private Sector Representative Raymundo Junia, malaki ang posibilidad na aprubahan ng board ang hirit na toll discount.
Ipalalabas aniya ng kanyang pinamumunuang technical working group ang pasiya sa diskuwento sa toll fee sa SLEX sa unang linggo ng Nobyembre at maipatutupad ito ng Disyembre.
Sinabi ni Junia, magiging hamon sa TRB ang pagdetermina ng halagang nawawala sa mga motorista dahil sa nararanasang mabigat na daloy ng trapiko sa SLEX bunsod ng nagpapatuloy na konstruksyon ng Skyway Extension Project.
Paliwanag ni Junia, ibinebenta ng isang expressway na tulad ng SLEX ang serbisyo na makapagbibigay ng kaginhawan, kaligtasan at economic costs sa mga motorista.