Pinawi ng Toll Regulatory Board o TRB ang pangamba ng mga motorista sa nakaambang pagtaas ng toll fee sa ilang expressways.
Ayon kay Bert Suansing, Spokesman ng TRB, marami pang prosesong daraanan ang mga petisyon para magtaas ng toll fee.
Ipinaliwanag ni Suansing na pinapayagan ng mga pinasok na kontrata ng pamahalaan sa mga nagpapatakbo ng expressways ang probisyong humingi ng toll fee increase kada dalawang taon.
Huli anyang napagbigyan ang toll fee increase noon pang 2011 kayat lumalabas na aabot na sa 5 bilyong piso ang hindi naibigay na increase sa toll fee.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon para sa 15 hanggang 33 percent increase sa toll fee ang MNTC o Manila North Tollways Corporation na nagpapatakbo sa North Luzon Expressway , SCTEX at CAVITEX gayundin ang Ayala Corporation na nagpapatakbo sa MC Expressway sa Muntinlupa-Cavite papunta ng Daang Hari.
Bahagi ng pahayag ni TRB Spokesperson Bert Suansing
MNTC
Samantala, nagpaliwanag ang MNTC o Manila North Tollways Corporation kung bakit malaki o abot ng 16-21 percent ang hinihirit nilang pagtaas sa singil sa toll fee sa NLEX, SCTEX at CAVITEX.
Ayon kay Rod Franco, Pangulo ng MNTC, hindi naaksyunan ng Toll Regulatory Board ang naunang dalawang petisyon na inihain nila kayat naipon na sa ikatlo nilang petisyon ang dapat na dagdag sa toll fee.
Sinabi ni Franco na kung tutuusin mas mataas pa ang singil nilang toll nung buksan nila ang NLEX noong 2005 kumpara sa kasalukuyan dahil nagbaba sila ng singil noong 2006 at 2007.
Bahagi ng pahayag ni MNTC President Rod Franco
Ayon kay Franco, tanggap naman nila na nasa kamay na ng gobyerno kung aaprubahan o hindi ang hinihingi nilang dagdag na singil sa toll fee.
Gayunman, ipinaalala ni Franco sa pamahalaan ang obligasyon nito sa nilagdaan nilang kasunduan na ibalik sa MNTC ang anumang mawawalang kita ng kumpanya.
Una rito, naghain ng arbitration case ang MNTC laban sa Toll Regulatory Board para masingil ang mahigit sa 3 bilyong piso na di umano’y nawalang kita sa kanila dahil sa kabiguan nitong aprubahan ang kanilang mga petisyon para sa toll fee increase.
Bahagi ng pahayag ni MNTC President Rod Franco
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas | Ratsada Balita