Tuluyan nang tinapos ng Korte Suprema ang usapin hinggil sa kaso ng TV broadcast network giant na ABS-CBN.
Ito’y makaraang ibasura ng high tribunal ang hirit na temporary restraining order (TRO) kaugnay ng inilabas na cease and desist order ng National Telecommunication Commission (NTC).
Sa katatapos lamang na virtual en banc session ng mga mahistrado, nagpasya ang mga ito na ibasura ang hirit ng ABS-CBN dahil sa moot and academic na ang kaso.
Paliwanag pa ng Korte Suprema, mawawalang saysay kung pagpapasyahan pa nila ang usapin gayung mismo ang kongreso na ang nagdesisyon hinggil sa prangkisa nito.
Tanging si Justice Pricilla Baltazar-Padilla ang hindi nakaboto dahil naka-leave habang member-in-charge naman sa kaso si Senior Associate Justice Estela Perlas Bernabe.
Sa komento naman ng NTC na inihain sa high tribunal, iginiit nito na hindi sila nagmalabis sa kapangyarihan nang maglabas ng cease and desist order laban sa ABS-CBN noong Mayo na nagpapatigil sa operasyon nito. —ulat mula kay Bert Mozo (Patrol 3)