Pag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang hirit ng grupong 1-UTAK o United Transport Koalisyon na dalawang pisong (P2) dagdag sa minimum na pasahe sa jeepney.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, kailangan balansehin ang hirit ng naturang grupo lalo’t nasa mahigit tatlong (3) milyong jeepney riders ang maaapektuhan sa panukalang taas pasahe.
“Viable pa ba, puwede pa bang mag-operate at magpatakbo ng negosyo ang isang public utility in this case jeepney operator under the circumstances, binabalanse po natin ‘yan, ‘yung income nila pero as well as ‘yung consideration natin sa riding public of what is a fair fare.” Ani Lizada
Sinabi ni Lizada na kanila ring iimbitahan ang National Economic and Development Authority o NEDA para pag-aralan ang pangkalahatang epekto ng isyung ito.
“Kailangan nating pag-aralang mabuti, the social impact assessment of all of these, the TRAIN Law, the gasoline, tingnan natin ang pangkalahatan, hindi lang natin titingnan ang pump price, we look at it as a holistic picture, rest assured sa mga manananakay hindi ‘yan mangyayari overnight, hindi puwedeng hingan kayo agad ng plus P2, kung merong ganyan sabihan niyo kami that’s another ground for cancellation or suspension of their franchise.” Pahayag ni Lizada
Una nang sinabi ng grupo na mula sa dating walong piso (P8) ay dapat na maging sampung piso (P10) na ang singil sa minimum na pasahe para makaagapay ang mga tsuper sa pagmahal ng mga produktong petrolyo.
Tinukoy pa ng grupo na simula noong 2016 umabot na sa kuwarenta (40) porsyento ang iminahal ng diesel kaya napapanahon na para sa dagdag pasahe.
Nakatakdang ihain ng grupo ang kanilang petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Miyerkoles.
(Ratsada Balita Interview)