Walang ibibigay na protection order ang 14th division ng Court of Appeals sa iba’t ibang militanteng grupo tulad ng Karapatan, Gabriela Women’s Party at Rural Missionaries of the Philippines.
Ito’y makaraang ibasura ng appelate court ang inihaing petition for writ of amparo at habeas data ng mga nabanggit na grupo dahil sa umano’y red tagging sa kanila ng pamahalaan gayundin ang panghaharras sa kanilang hanay.
Ayon sa CA, walang substantial evidence na susuporta sa alegasyon ng mga nabanggit na grupo laban sa administrasyon tulad ng extra-judicial killings, forced disappearances at iba pa.
Kabilang sa mga respondents sina Pangulong Rodrigo Duterte, Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP o Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal, DILG Sec. Eduardo Año, PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde at National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon.
Magugunitang umalma ang mga nabanggit na grupo dahil hindi sila napagbigyan ng CA na ipaliwanag at ilahad ang kanilang mga testigo sa araw ng pagdinig hinggil sa kanilang petisyon.