Nilinaw ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones ang kontrobersiya hinggil sa imported na bigas.
Ayon kay Briones, sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ibinaba ang taripa ng bigas mula 35% patungong 15%.
Aniya, layunin nitong mapababa ang presyo ng bigas sa merkado, ngunit hindi ito naganap.
Sabi ni Briones, may mga nananamantala sa sistema, dahilan upang hindi maabot ang target na presyo na P41 hanggang P45 kada kilo.
Dagdag niya, ang mga importer at trader ang pangunahing nakikinabang sa pagbaba ng taripa, samantalang ang mga mamimili at magsasaka ang lugi.
Lumampas sa P12 bilyon ang nawalang kita ng gobyerno, na sana’y magagamit bilang suporta para sa mga magsasaka ng palay.
Dahil dito, iminungkahi ni Briones na bawiin ang EO at ibalik sa 35% ang taripa sa imported na bigas.
Giit ng mambabatas, sa nalalapit na anihan, natural na bababa ang presyo ng bigas sa merkado kung maitatama ang polisiya.
Sinabi rin ni Briones na binubusisi na sa Kongreso kung sinu-sino ang top ten importers ng bigas, saan ito dumadaong, at kung saan ang mga bodega nito.
Binigyang-diin pa ni Briones ang bagong batas, ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na ipinasa noong Setyembre 26, 2024. Saklaw nito ang mga isyu tulad ng cartel, profiteering, hoarding, at smuggling, na itinuturing nang economic sabotage.
Kaugnay nito, iniulat ni Briones na kamakailan ay nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang 21 containers ng smuggled frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 milyon mula China.
Lumitaw sa imbestigasyon na walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPIC) ang importer nito, ang Pacific Sealand Foods Corporation, kaya itinuturing umano itong ilegal.
Ipinaalala ng kongresista na pasok ang insidenteng ito sa Economic Sabotage Act. Ang sinumang mapapatunayang lumabag dito ay haharap sa parusang habambuhay na pagkakabilanggo at limang beses na multa.
Kasama ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at Department of Finance (DOF), patuloy aniya ang imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng smuggling.
Ipinunto pa ni Briones na kailangang may maipakitang halimbawa upang magbigay ng babala sa iba at maipatupad nang maayos ang bagong batas.