Ibinasura ng mga miyembro ng sangguniang panlungsod sa Kidapawan City ang hirit ng isang tricycle association na dagdagan ang kanilang kapasidad mula dalawa hanggang apat na pasahero.
Ayon kay Councilor Ruby Padilla-Sison, chair ng committee on transportation, bumoto ang mayorya ng mga konsehal laban sa kahilingan ng mga tricycle drivers dahil labag ito sa umiiral na guidelines sa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) kung saan 50% lamang ng bilang ng mga pasahero ang maaaring sumakay sa mga public utility vehicles, kabilang ang traysikel.
Matatandaang nanawagan sa lokal na pamahalaan ang mga kasapi ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association (FKITA) na payagan silang magdagdag ng pasahero upang makasapat ang kita nila sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.