Ibinasura ng Campaign Finance Office ng Commission on Elections ang hirit ng Liberal Party at ng kanilang Presidential bet na si Mar Roxas na palawigin ang filing ng Statement Of Contributions and Expenditures o SOCE.
Isang memorandum ang inilabas ni COMELEC Commissioner Christian Robert Lim na siyang pinuno ng CFO na nagbabasura sa kahilingan ng LP at ni Roxas.
Tinukoy ni Lim ang nakasaad sa Republic Act Number 7166 na nagsasabing kinakailangang maisumite ang SOCE sa loob ng 30 araw pagkatapos ng halalan.
Bukod dito, nakasaad din aniya sa Omnibus Rules on Campaign Finance na ang itinakda nilang June 8 deadline sa paghahain ng SOCE ay final at non-extendible.
Idinagdag pa ni Lim na kung pagbibigyan ang hirit na extension, magiging unfair ito sa mga kandidatong naghain sa tamang oras ng kanilang SOCE.
Matatandaang hiniling ng Liberal Party at ni Roxas ang 14-day extension sa paghahain ng SOCE makaraang mabigo na makapagsumite sa itinakdang deadline noong Hunyo 8.
By: Meann Tanbio