Pinalawig ng COMELEC hanggang Hunyo 30 ang pagsusumite ng Statement Of Contributions and Expenditures o SOCE ng mga kandidatong sa nakaraang halalan.
Sa botong 4 – 3, pinagbigyan ng COMELEC En Banc ang kahilingan ng Liberal Party na ma-extend ang deadline para sa filing ng SOCE.
Nitong Martes lang nakapagsumite ng SOCE ang Liberal Party, 6 na araw matapos ang June 8 deadline.
Magugunitang nirekomenda ni COMELEC Campaign Finance Office Commissioner-in-Charge Christian Robert Lim na huwag pagbigyan ang hirit ng Liberal Party dahil hindi patas para sa ibang kandidato at partido na sumunod sa deadline.
Kaugnay dito, iginiit ng COMELEC na pinalawig nito ang deadline ng pagsusumite ng SOCE bilang pagkilala sa mga boto ng taumbayan.
Hindi, anito, makauupo sa pwesto ang mga ipinanalo nilang kandidato kapag hindi nakapagsumite ng SOCE.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na hindi ito nangangahulugan na pinapaboran ng COMELEC ang Liberal Party at ang standard bearer nitong si Mar Roxas.
Ayon kay Guanzon, bukod kay Roxas, marami pa aniyang partido at kandidato na hindi pa nakapagsusumite ng kani-kanilang SOCE.
By: Avee Devierte