Ibinasura ng prosecutor ng International Criminal Court ang hiling ng Pamahalaan ng Pilipinas na ipatigil ang imbestigasyon sa War on Drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y kahit pa inihayag ng Marcos Administration sa ICC na walang hurisdiksyon ang ICC at iniimbestigahan na ng gobyerno ang umano’y mga krimeng may kinalaman sa giyera kontra droga.
Iginiit ni ICC Prosecutor Karim Khan na walang merito ang mga argumento ng Philippine Government kaya’t kailangang magsagawa ang prosekusyon ng impartial investigation.
Sa ilalim ng Duterte Administration, kumalas ang Pilipinas sa rome statute ng hague-based tribunal noong 2018 na nagtatag sa ICC, epektibo noong 2019.
Tinanggihan naman ng pumalit kay Duterte na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang muling pag-anib ng Pilipinas sa International Court.