Aprubado na ng Senate Blue Ribbon Committee ang hirit ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na pansamantalang makalaya mula sa Senate detention cell upang makasama ang manganganak na asawa.
Nagpasalamat naman si Faeldon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon dahil sa kagandahang-asal at pagkahabag nito.
Aniya, makikita na niya ang pagsilang ng kanyang bunsong anak, makakapiling na ang mga mahal sa buhay, makapanunumpa na bilang Deputy Administrator 3 ng Office of Civil Defense at makapagpapa-check na siya sa kanyang cardiologist.
Magugunitang ipiniit si Faeldon sa Senado makaraang ipa-contempt bunsod ng pagtanggi nitong dumalo sa mga pagdinig ng kumite hinggil sa imbestigasyon sa 6 point 4 billion Peso shabu shipment mula China.