Sinopla ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta ang panawagan ni dating Health Secretary Esperanza Cabral at grupo nitong Doctors for Public Welfare na ipatigil na ang imbestigasyon ng PAO hinggil sa kontrobersya sa dengvaxia.
Ayon kay Acosta, ang eksaminasyon ay isinasagawa ng PAO forensic doctors alinsunod sa hiling ng mga magulang na nais malaman ang tunay na sanhi ng kamatayan ng kanilang mga anak na binakunahan.
Magugunitang inihayag ng dating kalihim na ipaubaya na lamang sa mga maaasahang forensic pathologists ang pagsasagawa ng eksaminasyon sa bangkay ng mga tinurukan ng dengvaxia.
Gayunman, iginiit ni Acosta na “credible” ang mga pathologist ng PAO upang magsagawa ng eksaminasyon na kailangan sa forensic analysis taliwas sa pahayag ni Cabral.
Hindi ko alam kung ano ang ipinaglalaban ni Dra. Cabral para banatan niya ‘yung mga doktor na nagsasakripisyo para masagip ang mga buhay. Hindi tayo nananakot, ang nais natin ay magbigay awareness lang. Hindi natin kinokontra ang ibang bakuna, sino ba nag-announce na delikado ang dengavaxia kapag di ka pa nagkakaroon mismo ng dengue, ang Sanofi mismo diba? Pahayag ni Acosta sa panayam ng DWIZ.