Ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ng umano’y pork barrel fund scam queen na si Janet Napoles na baligtarin ang hatol na guilty laban sa kanya.
Sa halip ay pinagtibay ng 1st Division ng Anti-Graft Court ang hatol kay Napoles at Richard Cambe, dating aide ni dating Senador Ramon Revilla Jr., kaugnay sa kasong plunder sa pamamagitan ng priority development assistance fund scam.
Ipinunto ng negosyante sa kanyang motion for reconsideration na walang main plunderer sa naturang kaso matapos maabswelto si Revilla.
Iginiit ni Napoles na hindi siya ang main plunderer dahil isa siyang pribadong indibidwal at hindi rin dapat plunder ang inihaing kaso laban sa kanya.
Gayunman, sa resolution ng Sandiganbayan na “promulgated” noong March 13, isinampa ng Office of the Ombudsman ang plunder case laban kay Revilla “at” sa staff nitong si Cambe kung saan binigyang-diin ang salitang “at.”
Samantala, nilinaw ng Sandiganbayan na bagaman walang nakitang sapat na ebidensya upang ideklarang guilty si Revilla, mayroon namang malakas na pruweba na ang kapwa akusado nitong si Cambe na isang government official kasama si Napoles ang mga main plunderer sa kaso.
(with report from Jill Resontoc)