Naniniwala ang militar na sinadya ang banggaan sa Recto Bank sa West Philippine Sea kung saan tinamaan ng barko ng China ang bangkang pangisda ng Pilipinas kaya’t ito ay lumubog.
Ayon kay Western Command spokesperson Lt. Col. Stephen Penetrante, hindi tumigil ang barko ng China kaya’t malayo itong ituring na aksidente.
Inihalintulad pa ni Penetrante ang insidente sa “hit and run” na nangyayari sa kalsada batay na rin sa mga salaysay ng mga mangingisda.
Dahil dito, tiniyak ng militar ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon para malaman kung ano ang tunay na nangyari sa Recto Bank na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Una rito, kinondena ni Defense sec. Delfin Lorenzana ang insidente kung saan pinabayaan ng mga Chinese ang mga Pilipino sakay ng bangkang kanilang binangga.