Tinawag na unconstitutional ni House Speaker Allan Peter Cayetano ang gagawing pagdinig ng Senado sa mga panukalang batas na para sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Binatikos ni Cayetano ang pakikisawsaw ng mga Senador sa isyu.
Muli namang tiniyak ni Cayetano na hindi magsasara ang ABS-CBN kahit pa magtapos na ang prangkisa nito sa katapusan ng Marso.
Makikipag ugnayan anya sila sa National Telecommunications Commission (NTC) hinggil dito.
Sinabi ni Cayetano na bagamat importante sa kanya ang 11,000 empleyado ng ABS-CBN, mas importante anya ang daang libong trabaho at milyong trabaho na puwedeng makuha pag ang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA) o pagiging competitive ng ating bansa sa pagbaba ng corporate income tax ay maipasa ng Kamara.
Importante anya ang franchise ng ABS-CBN pero hindi ito urgent kaya ang best timing para dinggin ito ay sa Mayo o sa Agosto.
Matatandaan na nuong Disyembre sinabi rin ni Cayetano na walang dapat ipag-alala ang ABS-CBN dahil puwede pa nilang matalakay ng Enero hanggang Pebrero ang pending bills para sa prangkisa ng network.