Pag-aaralan muli ng Hong Kong at Singapore ang plano nitong pagbubukas ng travel bubble sa darating na Hulyo.
Ito’y ayon sa pamahalaan ng dalawang rehiyon makaraang ikalawang beses nang maunsyami ang naturang mungkahi noong Mayo dahil sa pagsirit ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore.
Kapwa humupa na umano ang sitwasyon ng COVID-19 sa Singapore at Hong Kong at pababa na ang bilang ng mga naitatalang kaso ng virus.
Desidido naman ang pamahalaan ng dalawang rehiyon na unti-unting ipagpatuloy ang air travel sa pagitan ng dalawang regional aviation hubs at international cities sa ilalim pa rin ng mahigpit na pagsunod sa public health protocols.
Una nang nakaplanong magsimula ang nabanggit na travel bubble noong Nobyembre, ngunit nakansela dahil naman sa pagsirit ng kaso ng virus sa Hong Kong.
Nakatakda sanang simulan ang travel bubble ng may isang flight kada araw patungo sa bawat lungsod kung saan, aabot hanggang sa 200 biyahero ang maaaring bumiyahe sa bawat flight.