Hihirit ang Department of Justice (DOJ) sa korte na magpalabas ng HDO o hold departure order laban kay Senador Leila de Lima.
Kasunod ito tatlong kasong kriminal na isinampa laban sa Senador sa Muntinlupa City Regional Trial Court kaugnay sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilbid Prison (NBP).
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, sakaling magpalabas ng warrant of arrest laban kay De Lima ay agad na hihilingin ng prosecutor na magpalabas ng HDO.
Inaasahan naman ni Aguirre na makapagpapalabas ng warrant of arrest laban kay De Lima ngayong araw kung makikitang may probable cause sa kaso.
Nahaharap si De Lima sa kasong paglabag sa Section 5 o pagbebenta ng illegal na droga, Section 26(B) and Section 28 o criminal liability ng mga empleyado ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang tinatawag na Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
By Rianne Briones