Hindi na maaaring lumabas pa ng bansa si dating Laguna Governor ER Ejercito lalo’t kung wala siyang pahintulot mula sa korte.
May kaugnayan ito sa ipinalabas na Hold Departure Order ng Fourth Division ng Sandiganbayan dahil sa kinahaharap nitong kasong graft.
Nag-ugat ang kaso nang pumasok ang noo’y alkalde na si Ejercito sa isang kasunduan sa first rapids care ventures para sa insurance coverage ng mga bangkero at turista sa Pagsanjan Gorge Tourist Zone noong 2008 na hindi umano dumaan sa tamang bidding.
Maliban kay Ejercito, sinampahan din ng Ombudsman ng kaso sina dating Pagsanjan Vice Mayor Crisostomo Vilar at anim na konsehal gayundin ang may-ari ng insurance company na si Marilyn Bruel.
Magugunitang nasibak bilang gobernador ng Laguna si Ejercito makaraang lumagpas umano ito sa halaga ng kanyang ginastos noong 2013 elections.
By Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)