Hindi irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdedeklara ng tigil-putukan sa communist terrorist group (CTG) ngayong kapaskuhan.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, batay sa kanilang mga naging karanasan, ilang beses nang ipinakita ng mga komunistang grupo ang kawalan nila ng sinseridad at katapatan sa kasunduan.
Hindi aniya tumutupad ang CTG sa mismongidineklara nilang tigil-putukan sa pamamagitan ng patuloy na pag-atake at pagpatay sa mga sundalo na tumutupad lamang sa humanitarian at peace and development mission.
Sinabi ni Arevalo, sa kasagsagan din ng ceasefire, patuloy ang mga komunista at teroristang grupo sa kanilang extortion activities at pagsasagawa ng mga krimen tulad ng pagpatay at panununog.
Ginagamit lamang aniya ng mga ito ang panahon ng tigil-putukan para magpalakas, muling magpakondisyon, magrecruit ng mga bagong grupo at makabawi sa kanilang mga pagkatalo.
Dagdag ni Arevalo, mismong si National Democratic Front of the Philippines (NDF) negotiator Luis Jalandoni na, aniya, ang matapang na nagsabing isinusulong nila ang peacetalks hindi para sa pangmatagalang kapayapaan kundi para ipagpatuloy ang mga armadong labanan.
Sa kabila naman aniya nito, tinitiyak pa rin ni AFP Chief Gilbert Gapay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang suporta ng sandatahang lakas sa anumang magiging pasiya nito hinggil sa tigil-putukan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)