Pinayuhan ng DOLE o Department of Labor and Employment ang mga employer na mahigpit na ipatupad ang inilabas nilang holiday pay rules.
Kaugnay ito sa inilabas na proclamation Number 197 ng Malakaniyang hinggil sa Special Non Working Holiday kaugnay ng ASEAN Summit sa Biyernes, Abril 28.
Batay sa Labor Advisory Number 4 na nilagdaan ni Secretary Silvestre Bello III, ipatutupad sa nasabing petsa ang no work no pay policy sa mga manggagawa maliban na lamang kung may matagal nang polisiyang ipinatutupad ang mga employer para sa isang natatanging araw.
Dapat makatanggap ng karagdagang 30 porsyento sa arawang suweldo ang isang manggagawa na papasok sa nasabing araw sa unang walong oras at dagdag na 30 porsyento pa sa hourly rate kapag nag-overtime.
Sakaling day off ng manggagawa at siya’y pinapasok, dapat siyang makatanggap ng dagdag na 50 porsyento sa kaniyang arawang suweldo sa unang walong oras at may dagdag pang 30 porsyento sa kaniyang hourly rate kapag nag-overtime.
By: Jaymark Dagala / Aileen Taliping