Hinihimok ng pamahalaan ang mga magpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na magtungo sa mga itinalagang quarantine facilities para doon sumailalim sa isolation sa halip na sa kaniya-kaniyang tahanan.
Ayon kay Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) co-chairperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles, hindi na nila inirerekomenda ang pagsasailalim sa home quarantine ng mga positibo sa COVID-19.
Ito, aniya ay dahil mas malaki pa rin ang tsansang makapanghawa ang isang nagpositibo sa COVID-19 sa kanyang mga kasamahan sa bahay kahit pa nasa hiwalay itong kuwarto.
Iginiit ni Nograles, maluwag pa ang mga itinalagang quarantine facilities ng pamahalaan na kayang mag-accommodate o tumanggap ng mga asymptomatic at mild na kaso ng COVID-19.