Target ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang paggamit sa 24,000 homeowners associations sa buong bansa para magpakalat ng mga impormasyon kaugnay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Housing Secretary Eduardo Del Rosario, malaki ang papel ng homeowners associations para maipaabot ang mga tamang impormasyon hinggil sa mga polisiya, regulasyon, programa at mga aktibidad ng kanilang tanggapan sa mga komunidad bilang suporta sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).
Sinabi ni Del Rosario na malaking tulong sa pagpapalakas ng kampanya kontra COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng mga tamang impormasyon.
Kasabay nito, ipinabatid ni Del Rosario na nagpatupad na sila ng mga hakbangin para mapagaan ang problema ng mga Pilipino sa housing sector na dulot ng nasabing krisis tulad ng tatlong buwang moratorium sa housing at short term loan payments.