Humingi ng paumanhin si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasahan sa kanyang sinabi na “not that bad” o hindi naman ganun kasama ang internet speed sa bansa na nasa 3 hanggang 7 mbps.
Ito ay matapos na maraming pumuna at hindi sumang-ayon sa naging pahayag ng kalihim.
Ayon kay Honasan, dapat pala ang sinabi niya ay “not yet that good” o hindi pa kagandahan ang internet speed ngunit sinisikap na anila itong mapahusay.
Nauunawaan naman aniya ang mga reklamo ng mga biktima ng mabagal na internet speed na nagsasabing nagbabayad ng malaki pero mahina parin at walang signal ang internet sa bansa.
Samantala, inamin naman ng kalihim na kukulangin ang kanilang pondo para sa inihihirit na libreng wifi sa lahat ng programa sa 2021.
Paliwanag nito, nahihirapan kasi silang kumbinsihin ang gobyerno na magbigay ng malaking pondo sa kanilang ahensya para ilaan sa internet gayong mas prayoridad ang mga proyektong tulad ng tulay at kalsada.