Emosyunal na idinepensa ng common law wife ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña ang Pangulo sa harap ng publiko.
Sa kaniyang talumpati bilang guest speaker sa paglulunsad ng bagong rehabilitation program ng PNP o Philippine National Police na Life After Tokhang, iginiit nito na walang utos si Pangulong Duterte sa mga pulis at sundalo na pumatay ng mga walang kalaban-laban.
Bilang patunay na aniya, ang matinding kritiko ng Pangulo na si Senador Antonio Trillanes IV na buhay pa rin hanggang ngayon kahit pa patuloy ang birada nito sa Punong Ehekutibo.
Lubhang kailangan aniya ngayon ng Pilipinas at ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng disiplina kaya’t walang dapat ipangamba ang sinuman kung wala naman silang ginagawang masama.
Ramdam din aniya ang bigat ng pakiramdam ng Pangulo sa tuwing nakikita niya ito dahil sa halip na tulungan ay pinupuna at hinihila pa ito ng ilang hindi naman nakikita ang kaniyang ginagawa.