Inimbitahan ng Philippine National Police o PNP bilang guest of honor ang common law wife ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Cielito “Honeylet” Avanceña sa launching ng bago nilang inilunsad na rehabilitation program para sa mga nagsisuko sa Oplan Tokhang.
Ang nasabing programa ng PNP ay tatawagin na Lift a Life after Tokhang.
Ayon sa PNP, bilang guest of honor ay nakatakdang saksihan ni Ms. Avanceña ang lalagdaang memorandum of agreement sa pagitan ng PNP at katuwang na NGO na Life Rispondé Foundation Corporation na naging partner na ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagrehabilitate sa mga Pilipinong nalululong noon sa droga.
Sesentro ang nasabing programa sa community-based rehabilitation at outpatient recovery ng mahigit isang milyong drug user at drug pusher na sumuko sa isang taong Oplan Tokhang.
Naniniwala ang PNP na bukod sa drug rehabilitation at treatment kailangan din ang follow-up recovery program para maiwasan nang bumalik pa sa dating bisyo ang mga lulong sa droga.
Photo Credit: AFP
—-