Nahaharap muli sa kontrobersya si Ninoy Aquino International Airport (NAIA) General Manager Angel Honrado at iba pang opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Matapos masangkot sa laglag bala issue, nasa hot water na naman ngayon ang grupo ni Honrado dahil sa umano’y maanomalyang surveillance project na nagkakahalaga ng P486 million pesos.
Inireklamo ng Annex Digital Incorporated at Geutebruck PTY Limited sa Ombudsman si Honrado at 10 pang opisyal ng MIAA ng grave misconduct at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kabilang sa mga inireklamo sina MIAA Bids and Awards Committee Chairman Vicente Guerzon, Vice Chair Carlos Lozada, BAC Members Leonides Cruz, Maria Perla Dumo at Octavio Lina, BAC Technical Working Goup Members Pastor Dalmacion, Jr., Jose Rossano Llobrera at Manuel Ochoa at BAC Technical Evaluation Committee Chairman Jesus Gordon Descanzo at Vice Chairman Enrico Reblora.
Ayon kay Rea Lactao, Pangulo at General Manager ng Annex Digital Incorporated, paglabag sa procurement rules ng gobyerno ang desisyon ng respondents na magkaroon ng negotiated procurement ng CCTV cameras at iba pang surveillance equipment para sa naturang proyekto.
Magugunitang sa huling bahagi ng taong 2015 inanunsyo ni Honrado na papasok na lamang sa negotiated procurement ng CCTV system ang MIAA dahil walang bidder ang nakaabot sa technical requirements ng proyekto.
By Judith Larino