Muling iginiit ni Sen. Risa Hontiveros ang pag-overhaul sa Inter-Agency Task Force-National Task Force Against COVID-19 (IATF-NTF).
Ito’y matapos sumampa na sa mahigit isang milyon ang bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, ang patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 ay isang katunayan kailangan nang palitan ang mga namamahala sa IATF-NTF.
Sinabi ng senadora na hindi na sana tayo umabot sa ganitong sitwasyon kung iginugol lang ng IATF ang oras nito sa pagtutok na matamo ang mga target na makatutulong para mapabagal ang paglobo ng kaso sa halip na sayangin ang oras sa repacking ng data para sa press release.
Giit ni Hontiveros, buong taon na paulit-ulit ang mga panawagan ng lehislatura at ng taumbayan na magkaroon ng systematic, testing, tracing, treating, isolation at treatment ngunit binalewala lang ito.
Dagdag nito, kung nais na maging totoo ang pag-asang ating pinanghahawakan sa pagharap sa pandemyang ito, dapat gumawa ng malaking pagbabago sa pagtugon dito.