Napansin ng Department of Health ang “biglang pagtaas” ng bilang ng mga dinadala sa mga ospital sa Metro Manila sa gitna ng paglobo ng COVID-19 cases sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa kasalukuyan ay nasa ‘moderate’ risk ang bed utilization rate sa National Capital Region na aabot na sa 60% habang 58% ang ICU utilization rate.
Gayunman, nilinaw ni Vergeire na kailangang unahin ang mga vulnerable population tulad ng mga senior citizen at may commorbidities.
Mayroon anyang DOH One Hospital Command Center na tumutulong upang mag-refer ng mga pasyente sa iba’t ibang ospital lalo kung puno ang mga pagamutan na kanilang napuntahan.
Muling pinayuhan ng DOH official ang mga nakararanas ng mild symptoms na hangga’t maaari ay manatili muna sa bahay dahil malaking tulong ang Home isolation o quarantine para mapaluwag ang mga ospital.