Tumagal nang mahigit 10 oras ang panghohostage ng isang dating security guard ng isang mall sa San Juan City bago ito napasuko –pasado alas-8 kagabi, ika-2 ng Marso.
Batay sa ulat ng San Juan City Police, alas-11:22 ng umaga kahapon nang magkagulo sa loob V-mall Greenhills Shopping Center matapos makarinig ng mga putok ng baril.
PANOORIN (4/4): Ligtas na nalambat ng mga alagad ng batas ang Hostage taker na si Archie Paray matapos nitong bihagin ang nasa humigit kumulang 30 (mula sa 60-70) sa loob ng mahigit 10 oras sa VMall Shopping Center sa San Juan City | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/6D7g2rSjCB
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 2, 2020
Nanggaling ito sa 2nd floor ng administration building kung saan binaril ng suspek na kinilalang si Archie Paray –sinibak na security guard ng nabanggit na mall, ang kapwa security guard at dati nitong bisor na si Ronald Velita.
Kasunod nito, hinostage na ng suspek na armado ng baril at granada ang umaabot sa 60 hanggang 70 empleyado ng nabanggit na mall.
Magkakasunod namang dumating sa lugar sina San Juan City Mayor Francis Zamora, National Capital Region Police Office (NCRPO) director Debold Sinas at Eastern Police District (EPD) Director Brig. General Johnson Almazan para pamahalaan ang sitwasyon at pakikipag-usap sa suspek.
Isinailalim na rin sa lockdown ang paligid ng mall para maiwasan nang puntahan ng mga tao at makapagpalala pa sa sitwasyon.
Alas-2 ng hapon nang ilatag na ng suspek ang mga kondisyon nito kung saan kabilang ang pakikipag-usap sa mga dating kasamahan sa trabaho.
Pasado alas-6 ng gabi ng lumabas ang anim na opisyal ng Greenhills security management at ng security agency ang nagsorry sa hostage taker at nagbitiw na rin sa kani-kanilang trabaho.
Alas-8:20 ng gabi nang nakalabas na ang mga hinostage at ang suspek na nakapagsalita pa sa harap ng media at naisiwalat ang kanyang mga hinaing.
Paulit-ulit din tinanong ng hostage taker na si Paray si Mayor Zamora hinggil sa patutunguhan matapos ang insidente.
Bahagya namang nagkaroon ng komosyon ng dambain sa likuran ang suspek nang bahagya na ito kumalma matapos humarap sa media.