Ipinauubaya na ng Malacañang sa Sandiganbayan ang pasya kung pagbibigyan ang resolusyon ng kamara upang isailalim sa house arrest si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Arroyo.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nasa hurisdiksyon ng korte si Ginang Arroyo kaya’t hindi na sila makikialam sa naturang usapin.
Tiniyak naman ni Valte na kahit naka-hospital arrest ang dating Pangulo ay nakukuha naman nito ang sapat na medical attention at hindi napababayaan.
Ang House Resolution na isailalim sa house arrest si Arroyo ay nakapagkasunduan ng mga kongresista dahil sa lumalalang kalusugan ng dating Pangulo na kasalukuyang nahaharap sa kasong plunder.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)