Inalmahan at mariing kinondena ng isa sa 11-man Prosecution Panel ng Kamara sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na patayin ang mga Senador upang bigyang-daan ang mga kandidato ng kanyang partido.
Binigyang-diin ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-List na katulad din sa mga naunang banta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Liza Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na siyang pangunahing dahilan ng impeachment proceedings ang pahayag ni dating Pangulong Duterte.
Iginiit ni Rep. Acidre na hindi dapat balewalain at itinuturing na isang krimen sa ilalim ng batas ng pilipinas ang hayagang pagbabanta laban sa mga opisyal ng pamahalaan dahil may malubhang epekto, biro man o seryoso.
Dagdag pa ng House Assistant Majority Leader na lalo pang magpapatibay sa articles of impeachment laban sa kanyang anak ang pahayag ng pagbabanta ng dating pangulo.
Matatandaang sa proklamasyon ng PDP-Laban noong Huwebes sinabi ni dating Pangulong Duterte ang naturang pagbabanta sa 15-kandidatong senador ng administrasyon. – Sa panulat ni John Riz Calata