Tikom ang bibig ng mababang kapulungan ng kongreso hinggil sa isyu ng blankong items sa Bicameral report sa 2025 national budget na tinawag ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na “biscam’ o Bicam scam.
Unang hiningan ng reaksyon si dating House Committee On Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-List Rep. Elizaldy Co hinggil sa isiniwalat nina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Davao City Rep. Isidro Ungab at Rodriguez subalit hindi ito sumagot.
Matatandaang, si Co ay tinanggal bilang chairman ng nasabing komite noong Enero a-tres sa pamamagitan ng mosyon ni House Senior Deputy Majority Leader at Presidential son na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Maging si acting Appropriations Chairperson Marikina Rep. Stella Quimbo ay tila umiiwas sa nasabing isyu habang wala ring sagot ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez hinggil dito. – Sa panulat ni Jeraline Doinog