Nagsagawa ng biglaang balasahan sa pinuno ng mga komite sa mababang kapulungan ng kongreso sa gitna na rin ng isyu ng umano’y kudeta laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa naging mosyon ni Senior Deputy Majority Leader at Cavite Representative Jesus Crispin Remulla, inilipat bilang bagong chairman ng appropriations committee si ACT-CIS Partylist Representative Eric Yap kapalit ni Davao City Representative Isidro Ungab.
Habang ibinigay kay Abra Representative Joseph Bernos ang naiwanang chairmanship ni Yap sa committee on games and amusement.
Pinalitan naman ni Kabayan Representative Ron Salo bilang head contingent ng House of Representatives electoral tribunal si Oriental Mindoro Representative Doy Leachon.
Magugunitang si Ungab ang itinurong nag-report kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa DBM ng umano’y bilyong pisong parking funds sa 2020 national budget para sa mga mambabatas na malapit kay Cayetano.
Hinamon naman ni Leachon ang kampo ni Cayetano na pangalanan ang 20 kongresistang inalok umano ng puwesto at budget ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco. — ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)